Wednesday, January 1, 2014

Desiderata

Noong 1995, nakatambay kami sa bahay ni Ronnie Lazaro, nagkakape, nakikinig sa radyo. May nilabas siyang isang libro, sabi niya, "makinig kayo." "Sa Daigdig ng Katahimikan" ni Pete Lacaba yung libro, at sa isang bahagi, isinalin niya sa Tagalog ang Desiderata. Binasa ni Ronnie.

Mahabang katahimikan pagkatapos, tapos sabi niya, hindi mas magandang sabihin ang Bayang Ginigiliw? Oo nga naman... pangkasalukuyan ang dating, hindi natatapos, tuloy-tuloy. Alam niyo ang kailangang gawin sa bayan ngayon? Tanong niya sa'min. Linisin. 

Doon nabuo ang proyektong "Bayang Ginigiliw," simbolikong paglilinis ng Pilipinas. Sa Luneta, doon sa mapa ng Pilipinas, nagboluntaryo kaming linisin ang buong lugar. At kahit yung mapa lang ng Pilipinas ang napagpasyahan naming linisin, na akala namin ay kaya naming gawin sa loob ng ilang oras, inabot kami ng halos isang linggo. Marami-rami rin kami sa simula, ngunit ng nagsilisan na ang mga mamamahayag, ang mga manunulat sa diyaryo, ang mga camera ng mga potograpo't istasyon ng telebisyon, unti-unti ring nabawasan ang bilang namin. Sa bandang huli, mabibilang mo sa mga daliri mo ang naiwan. 

Sa bawat araw ng paglilinis, parang dasal, binibigkas namin ang Panatang Makabayan, tapos susundan ng pagbigkas ng Desiderata, ayun sa pagsasalin ni Pete Lacaba...

Naging personal kong tradisyon na isulat sa aking bagong planner kada taon ang pagsasalin na'to. Parang paalala ba, paalalang bubukadkad sa'kin tuwing bubuksan ko ang planner na 'to...

Kaninang bago mag alas-sais, ginawa ko ulit ito...

Desiderata, salinwika ni Pete Lacaba

Lumakad ng mahinahon sa gitna ng ingay at pagkukumahog, alalahanin ang kapayapaang maaaring makuha sa katahimikan. 

(Parang ngayong umaga, unang araw ng baong taon. Pagod ang karamihan, mahimbing pang natutulog)
  
Walang isusuko hanggang maaari, pakisamahan ng mabuti ang lahat ng tao. 

Sabihin ang iyong katotohanan ng tahimik at malinaw, at makinig sa iba, kahit sa nakayayamot at mangmang, sila man ay may kasaysayan. 

(Nitong nakaraang taon, ninanis kong isigaw ang ilang katotohanang sa aking palagay ay kailangang mapakinggan. Ilan siguro rito ay mas mainam na nailathala ng mas mahinahon, hindi nga lang ganoon kadali kung ang iyong pinagsasabihan ay nagbibingi-bingihan)

Iwasan ang mga taong mabunganga at palaaway, sail'y ikinaiinis ng kalooban. Kung ihahambing ang sarili sa iba, baka yumabang ka o maghinanakit sapagkat laging may lilitaw na mas mahusay o mas mahina sa'yo. 

Ikalugod and iyong mga tagumpay at mga balak. 

(Masaya ako na sa kabila ng lahat, pagkatapos ng lahat ng mga gabing pagpupuyat, mga hapon sa lansangan dala-dala ang placard na nagsusumamo sa mga may kapangyarihan na huwag patayin ang mga punongkahoy sa Luneta Hill, karamihan sa mga ito ay mananatili doon, buhay, at maaari pang paramihin... may iba mang gusto pang ipagpatuoy ang away, ang labanan, ang bangayan... sa akin, mahigit isang daang puno ang mabubuhay at ang sinsasabing nagmamay-ari ng lupa ay nakinig at maaaring patuloy na makikinig sa mga ganitong adhikain, ikinalulugod ko ito...)


Manatiling interesado sa iyong trabaho, gaano man kababa - ito'y tunay na kapangyarihan sa pabago-bagong kapalaran ng panahon.

Maging maingat sa negosyo sapagkat ang daigdig ay puno ng panlilinlang. Subalit huwag maging bulag sa kabutihang nakikita, maraming nagsisikap na makamit ang mga adhikain. Sa lahat ng dako, ang buhay ay puno ng kabayanihan. 

(Salamat sa isang Dok Mark, na lingid sa kaalaman ng karamihan, lingid mula sa mga camera ng media, ay linggo-linggong nasa Rizal Elementary School, dala-dala ang ilang kaldero ng masustansyang merienda para sa mga batang kapus-palad at nangangailangan ng pagkalinga)
  
Maging tapat sa sarili, higit sa lahat, huwag magkunwari. 

(Kung may mga paang natapakan ko sa aking paglalakad, pasensya na.... hindi ko kayang ipagkait sa aking sarili ang ilathala ang mga katotohanang dapat ilathala...)
  
Huwag ding libakin ang pag-ibig sapagkat sa harap ng kahungkagan at kawalang-pag-asa, ito'y lagi't-laging sumisibil tulad ng damo. 

Tanggapin ang payo ng katandaan, buong giliw na isuko ang mga bagay ng kabataan. 

Pagibayuhin ang lakas ng loob at nang magkaroon ka ng pananggalang sa lahat ng kasawian. Subalit huwag ikaligalig ang mga haka-haka, maraming pangamba ang likha ng pagod at pangungulila. 

(Siguro nga... kaya sa mga taong nagkakalat ng mga haka-haka't kasinungalingan, siguro sa taong ito, itulog at ipahinga niyo na lang muna...)
  
Supling ng sandaigdigang tulad rin naman ng punongkahoy at bituin, may karapatan kang manatili rito. At malinaw man sa'yo o hindi, walang dudang ang sandaigdigan ay bumubukadkad na tulad ng nararapat. Kung gayon, pakisamahan ang Panginoon, anuman ang pananaw mo sa kanya, at anuman ang iyong pinagkakaabalahan o minimithi. 

(Mabait ang Diyos, at hinding-hindi siya maninira, mangaalipusta ng kanyang mga nilikha... kaya kung ika'y nangangaral tungkol sa Diyos, huwag sana sa mapanglait na pamamaraan...)

Sa kabila ng pagkukunwari, kabagutan at gumuhong pangarap, maganda pa rin ang daigdig. 

(At yan ang totoo...)
  
Mag-ingat, sikaping lumigaya. 

(Oo...)

Maligayang bagong taon!


No comments:

Post a Comment